Tuesday, November 9, 2010

Pilipino-2 Panitikan Module 1

Kahulugan ng 'Panitikan'

Input article:

Ang Titik at ang Sining ng Panitikan

ni Ed Aurelio C. Reyes
.
..........Ang sibilisadong mga tao raw ay iyon lang mga marunong sumulat at bumasa, nakapaglalagay ng marka na makikita, at mababasa, ng iba, at kanya o kanilang mauunawa ang mensaheng siyang nilayong talaga. Mayroong mga naimamarka na sadyang may napagkaisahan at nakasanayang kahulugan na, tulad ng simbolo ng bungo at krus-na-buto, na kapag magkasama'y nangangahulugang "lason!" o "panganib sa buhay" at mayroon namang mga naimamarka na kumakatawan sa mga tunog at kapag "binasa" nang magkakasunod ay lilitaw sa pagkakasunud-sunod ng nga tunog-patinig (vowel sounds) at tunog-katinig (consonant sounds) ay "maririnig" sa sariling utak ng bumabasa ang isang buong pantig (syllable). Ang isang pantig o ang ilang magkakasunod na pantig ay bumubuo ng salita o kataga, na bawa't isa'y may taglay na kahulugan.
.
..........
Wala pang maisusulat o maiintindihang kahulugan sa iisang titik lamang, pero may mabubuo sa kanilang pagkakasunud-sunod, mga titik na patinig at katinig sa isang pantig, at mga pantig sa isang salita. At mga salita nga sa isang pangungusap at mga pangungusap sa isang talata at mga talata sa isang sanaysay (essay) o talumpati (speech).
Sabi nga sa isang awit (
Kailangan Kita), "Bakit ang awit... ay kailangan ang himig... na kailangan ang titik... na kailangan ang tinig...?"
.
..........
May mga kolonyalistang Kastila na humusgang di raw sibilisado ang Pilipino bago nila tayo natuklasan at nasakop (at tinuruang magbasa at sumulat). Akala kasi nila, mga titik na Romano ang paraan ng pagsusulat sa buong mundo.
Ipagpatawad na lang natin ang kanilang kamangmangan sa bagay na ito. Ang mga ninuno po natin ay libu-libong taon nang gumagamit ng sarili nating sistema ng panulat bago napalig
áw sa ating kapuluan sina Magellan at Pigafetta.
.
..........
Dumating din naman ang panahong napatunayan nating mali sila at ipinakilala natin ang sistema ng panulat natin ("panulatin") na noong una'y binansagang "alibata" pero mali palang katawagan dahil hindi mga titik o letra ang bumubuong mga simbulo ng tunog, kundi buu-buo nang mga pantig (syllable symbols), at may tumatawag na ngang "Pantigan" sa sistemang ito (may tumatawag ring "Baybayin" o spelling at nagpapahiwatig ring mga titik ang pangbaybay...........
.
..........
Ang simpleng kahulugan ng "Panitikan," samakatwid, ay nangangahulugan ng bugkos ng mga titik na mababasa at mapagkukunan ng impormasyon, gaya ng mga isinasama sa mga bote ng gamot at sa mga kasangkapan o makinang teknikal (para sa tamang paggamit). Ang importante lamang sa ganito ay ang linaw (clarity) at kawastuhan (accuracy) ng impormasyon.
May partikular namang kahulugan ang katagang "Panitikan" kung ang tinutukoy ay ang larangan ng gawain at pag-aaral. Ang kinuha ninyong subject na "Pilipino-2" ay "Panitikan" na tumutukoy sa sining ng pagpapahayag na nilalayong maunawaan nang malaliman dahil sa ginagamit ang epekto sa damdamin o nagpapaisip nang matindi sa makakabasa o makarinig.
.
..........
Sa pamamagitan ng mga kataga ay inaabot ng mga panulat na pampanitikan (literary writings) ang puso at damdamin ng mga pinag-uukulan ng mga katagang ito o ang kailaliman ng kanilang pag-iisip. Ang husay sa pagsusulat na ganito ay isang tunay na talentong makasining, bagay na kailangan upang ang sinumang naghahangad na sumulat ng Panitikan ay magawa ito nang mahusay at matagumpay.
.
..........
Ang pinakakaraniwang mga anyo ng mga panulat pampanitikan ay buhay na buhay na pagkukwento o kaya'y umaawit nang walang tono (tumutula). Sa pag-aaral ng Pilipino-3, ito ang gagawin ninyo.

No comments:

Post a Comment