Wednesday, March 9, 2011

Bangka sa Banga

PAPANO ka pang maririnig ni Kuya ngayon? Palibhasa, kung kailan pa namatay si Kuya, ngayon mo pa siya gustong kausapin? Hindi ka na niya maririnig! Wala na si Kuya Arnel!! Patay na siya, Ate!! Iniwan na niya tayo! Wala na siya!!!” Hagulhol ang agad na sumunod na pangungusap na iyon ni Agnes sa nakatatandang hipag na nasa tabi ng bagung-bagong nitso ng panganay niyang kapatid.

Hindi sinagot ni Elvie ang may-panunumbat na pananalita ni Agnes, sapagkat may sarili siyang kausap sa halos pabulong niyang pananalita habang nakaluhod sa paanan ng nitso, na kani-kanina lamang ay ligíd ng napakaraming nakipaglibing.

“ ‘Nel, Mahal, naniniwala akong nar’yan ka pa rin sa paligid namin ng ating mga anak, at hindi basta na lamang natapos ang lahat nang malunod ka sa laot. Alam kong naririnig mo pa rin ako. Alam kong mapapatawad mo pa rin ang pagtatampo ko nitong huling mga araw. Naniniwala ako na hanggang diyan sa kabila ng buhay ay dala mo pa rin ang matinding pagmamahal sa akin at sa ating mga anak. Baon mo rin diyan ang aming walang-hanggang pasasalamat at pagma-mahal!”

Ang dalawang napakaliliit pang mga batang tinukoy ay tahimik lamang na na-kaluhod sa magkabilang tabi ng kanilang ina. Maya-maya, nagtanong ang panga-nay na si Boyet, “Nay, masaya ba sa ka-bilang-buhay? Masaya ba si Tatay doon?”

“Oo, Anak. Kaluluwa siya at naririnig niya ang pagmamahal natin!

“Eh ba’t iyak ng iyak ang mga tao? Wala na raw siya! Kawawa naman daw si Tatay?”

“Nalulungkot sila dahil mami-miss nila siya. Isip kasi nila, wala na talaga siya. Hindi nila alam, lumipat lang siya sa kabila ng buhay, at pwede pa rin natin siyang kausapin kahit di na natin siya nakikita. Tayo naman ay lagi pa ring makikita at maririnig ng pagmamahal niya.”

“Kaya sabi Nanay lagi tayo bait!” sa-bat naman ng bunsong si Aya, na kung umasta’y parang di-hamak na mas marunong sa kanyang kuya.

Napabuntonghininga si Agnes sa narinig na usapan, at nagpasya na lamang na tumayo at lumayo. “Sa jeep na ako maghihintay, ‘Te! Sasabihin ko na rin kay Mang Berto na malapit na tayong umuwi at nang makapagpasada na siya.”

Tangong may ngiti ang isinagot niya sa hipag.

* * *

“Mabuti’t nakausap kita ngayon, Agnes!” wika ng tinukoy na si Berto. “Salamat ha! Di ko lang talaga mahindian si Kuya Rommel, eh! Pero kailangan ko nang dalhin at bantayan sa talyer ‘tong jeep ko. ‘Di pa rin talagang naaayos, eh!”

“Sa totoo lang, Mang Berto, mas gusto ko na sanang matulog buong araw nga-yon. Alam mo naman, puro puyat kami nitong magkakasunod na gabi dahil sa la-mayán. Pero… hay naku! Hindi rin kita mahihindian, dahil sa — alam mo na! — marami ka nang naitutulong sa amin!” Nagtawanan sila, at nagpatuloy si Agnes, “Basta ang sabi mo, di ako mauubusan ng English d’yan sa madreng ‘yan, ha? Tatlong oras din ang byahe papuntang Quezon. Amer’kana pa naman ‘yan!”

“Oo, sige, puntahan na natin siya sa amin. Sasabihin kong kailangan mong bumawi ng tulog kaya susubukan mong makaidlip nang kaunti kahit sa bus. Para ‘pag nahihirapan ka na sa pag-English, umidlip ka lang!” Nagtawanan silang muli.

* * *

Hindi naman naging problema ni Ag-nes ang mahahabang pagsasalita sa wi-kang banyaga. Dahil sa buong panahong katabi niya sa bus papunta sa bayang Quezon sa lalawigang iyon ng Palawan, ang bisita ang mas madalas na nagsasalita at mahahaba ang mga pangungusap niya.

Isa pa, nakagaangan niya agad ng loob ang madreng Amerikana. Sa katunayan, nang una pa lamang niyang makita si Sister Kathleen sa bahay nina Berto at kamayan siya nito upang magpahayag ng pakikiramay sa pagkamatay ng kapatid ay nakadama na siya ng sinseridad at nakapagpapakalmang disposisyon.

May nakakahiya pang naganap sa unang pagtatagpong iyon. Itinatanong kasi ni Agnes kay Berto sa wikang magka-halong Filipino at Palawan-on kung bakit nag-aaksaya ng panahon at pera itong madre na pag-aralan ang mga kulturang “pagano” ng ating mga ninuno. Naibiro pa nga niya sa wikang Pilipino na baka may toyo ito kaya’t interesado sa isang kweba raw na malapit sa bayan ng Que-zon. Kampante kasi siyang di ito mai-intindihan ng kaharap nilang madre dahil Amerikana nga.

Laking gulat niya nang sumagot ang banyaga ng “Inaaralan ko tow para sa schoolwork kow!” Marunong na pala ito ng konting Filipino dahil may ilang taon na rin pala sa Pilipinas. Buti na lang, di siya pikon! Pero sa pangyayaring iyon ay medyo na-relax si Agnes.“Pwede ko rin naman palang tagalugin ito’t nakakaintindi na rin ng konte sa wika namin.”

Kaya’t sa buong haba ng byahe ay masaya silang nakapag-usap. Naikwento ni Agnes ang samâ ng loob niya sa kanyang hipag na nabalo ng kuya niya. “Bakit di niya matanggap na wala na talaga ang asawa niya? Pati tuloy ang batang-batang mga anak niya, tinuturuan niyang mag-ilusyon? Na nasa piling pa rin daw nila ang kanilang ama, di nga lamang nakikita.” wika niya sa Ingles, gamit ang nabitbit niyang mga kataga sa wikang iyon. “Bakit siguradong-sigurado siyang nariyan pa at kinakausap pa niya?”

Sumagot ng isa ring katanungan si Sister Kathleen: “Are you really sure that she is wrong? Sigurado ka bang mali nga siya?”

Nagulat si Agnes sa isinagot ng madre. “Sister, di ba, priests and nuns like you are the ones saying that when someone dies, he is no longer with us and instead he is just waiting in purgatory for the Final Judgment? Eh di matagal pa ‘yon!”

Itinuro ni Sister Kathleen kay Agnes ang larawan ng Birheng Maria sa windshield ng bus, “Do you see Mama Mary? That’s a painting of her. Where is she? Isn’t she there just there somewhere waiting for the Final Judgment? Bakit kinakausap natin siya? The Saints, aren’t we asking them to pray for us? Why can’t your sister-in-law talk to your brother? Sigurado ka mali siya???”

Ipinaliwanag naman ng madre ang mga napag-alaman na niya ukol sa Manunggul Jar. Ipinagtaka ni Agnes na maraming researchers mula iba’t ibang dako ng mundo ang dumadayo sa mga pook na tulad ng pinatutunguhan nila ngayon para lang maintindihang mabuti ang mga bagay kaugnay ng kilalang Manunggul Jar. “Eh, bakit??? Why, why?”

Ipinaliwanag ni Sister Kathleen ang mga pigurin sa takip ng “bangang kaba-ong” na natagpuan sa Kwebang Ma-nunggul na di na kalayuan sa bayan ng Quezon, Palawan. At may dinukot siya sa pitaka.“Look at this drawing at the back of your one thousand peso bill.”

Tiningnan naman ni Agnes. Bihira siyang makahawak ng ganitong halaga at di rin naman niya pinapansin ang larawan sa likod nito. Pero may bagong kaalaman mula kay Sister Kathleen. Ipinaliwanag ni-to sa kanya ang pigurín ng bangkâ sa ibabaw ng takip ng bangâ, na may dala-wang nakasakay. “Ganito pala yun! May bangkero na may sagwan, at itong pasahero, inihahatid patawid ng ilog patungo sa kabilang pampang…?” Tu-mango si Sister Kathleen. Nagpatuloy si Agnes, “tumatawid sa sinasabi mong Ri-ver of Death tungo sa kabilang-buhay?”

“Yes, your ancestors believed in life after death!”

May bagong sigla na sa tinig ni Agnes nang makita niya ang koneksyon. “Baka nga may punto pala si Ate Elvie…” na-masâ ang kanyang mga mata… “ibig sabihin, baka nar’yan pa rin nga si Kuya? Maybe my brother is still just somewhere around??? Yeheyyy! Kaya pala di masyadong umiiyak si Ate Elvie! Akala ko tuloy di na niya mahal si Kuya!”

“Tama! Yong sister-in-law mo, very spiritual na tao siya!”

“At ang mga ninuno namin! Our ancestors were spiritual too, at ikamo, Sister, ginawa nila ang banga ng Manunggul bago pa ang panahon ni Kristo?”

Ipinaliwanag ng madre na mga paring Kastila lamang ang nag-akalang mga pagano ang mga dinatnan nilang mga katutubo sa kapuluang tinawag nilang Pilipinas. Akala raw kasi ng mga iyon, mga Kristyano lang ang may relihiyon. Hindi nila alam na matindi ang relihiyon na isinasabuhay ng mga ninuno ng kasalukuyang mga Pilipino, kasama na ang pagiging matapat sa lahat ng nakakaugnayan, at pagiging mapagkaisa nila sa pang-araw-araw nilang pamumu-hay.

* * *

MALUNGKOT si Sister Kathleen nang nang nasa bus muli sila pabalik sa syudad kinabukasan. Nanghihinayang siya’t ang napakagandang kasaysayan ng Manunggul Jar na siyang katibayan ng spiritwa-lidad ng mga ninuno ng mga tagaroon at ng kabuuang sambayanang Pilipino ay di alam ng karamihan sa nakausap niyang mga taong naninirahan nang malapit sa pinagkatuklasan ng nasabing bangâ.

Pati ang mga nasabihan niya ay tila wala talagang interes sa paksang iyon. Pero may mga nakausap din siyang may ilang bagay nang nalalaman at di rin naman nasayang ang ginasta niyang pagod, panahon at salapi sa pagdayo niya roon.

May lungkot ding naramdaman si Agnes sa ganoon ding kadahilanan. Pero nangingibabaw sa kanya ang isang kaligayahang nasa puso niya’y tila may galak na nag-uumapaw. Hindi talagang nawala si Kuya! At may maipag-mamalaki tayong kayamanan mula sa pagiging spiritwal ng ating mga ninuno.

May balak na namuo sa kanyang isi-pan. “Pagdating na pagdating ko sa Puerto Princesa ay pupuntahan ko si Ate Elvie at yayakapin ko nang mahigpit na mahigpit, pati sina Boyet at Aya. At alam kong makikita at ikagagalak iyon ni Kuya Arnel. “Di ba, Kuya?”

BANGKÂ SA BANGÂ: Hatíd sa Kabilang-Buhay

Bangáng lagakan ng labí ng pumanaw. Ganito ang Bangáng Manunggul na natagpuan sa isang kweba sa Palawan, humigit-kumulang 3,500 taon mula nang ito ay nilikha at ginamit. Ang kaibhan nito sa iba pang “burial jar” na natatagpuan na rin ay ang pigurín sa takip – isang bangkang may sakay na bangkerong may sagwan at isang pasahero (tingnan ang larawan). Ayon sa pananaliksik, sumasagisag ito sa pagtawid (ng isang pumapanaw) sa Ilog ng Kamatayan tungo sa pampang ng Kabilang-Buhay (‘Afterlife’). Tanda ito ng malalim na spiritwalidad ng ating mga ninuno mahigit sanlibong taon bago pa isinilang si Kristo. Hindi mga pagano ang ating mga ninuno. Sila ay spiritwál!

No comments:

Post a Comment